Trak inararo ang 3 nakaparadang sasakyan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 08:27 AM

MAYNILA - Inararo ng isang 10-wheeler truck ang 3 nakaparadang sasakyan sa Barangay Payatas B, Quezon City, Martes ng madaling araw, sa kasagsagan ng pag-ulan.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid ang nabanggang closed van, habang pumailalim naman sa trak ang isa sa dalawang tricycle na inararo.

Ayon kay Ramoncito Mariskotes, drayber ng trak, gáling siya ng Pampanga at magde-deliver sana ng kargang mga foam mattress sa lugar sa Bicol Extension nang mawalan siya ng preno.

Bagama't walang nasaktan sa insidente, masama naman ang loob ng mga may-ari ng mga inararong sasakyan. Patuloy ang imbestigasyon ng QC Traffic Sector 5 sa insidente.--ulat ni Bianca Dava at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.