Sino'ng takot sa manok? Salusalo kontra bird flu ginanap sa Bulacan

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 06:22 PM | Updated as of Aug 22 2017 06:38 PM

SAN MIGUEL, Bulacan - Nagsalo-salo sa iba't ibang putahe ng manok ang hindi bababa sa 100 tao dito, Martes, upang patunayan sa publiko na walang bird flu at ligtas kainin ang poultry products sa kanilang bayan. 

Ayon sa ilang residente, unti-unting bumaba ang bumibili ng manok sa pamilihang bayan ng San Miguel matapos mapabalita ang pagkamatay ng mga manok dahil sa bird flu sa kalapit na probinsyang Pampanga at Nueva Ecija.

Kung dati ay 50 hanggang 60 na manok ang nabebenta sa isang araw, ngayon kahit limang manok na lang ang tinda wala pa ring bumibili, ani Luz Tecson na halos isang dekada ng nagtitinda ng manok.

"Iniisip ko na magpalit na lang ng pagkakakitaan," ani Tecson.

Ayon sa mga lokal na opisyal, malaki na ang nalulugi dito sa bayan dahil sa bird flu scare. 

Nagsagawa na ng information drive sa 49 na barangay dito sa bayan upang iparating sa publiko na ligtas mula sa bird flu ang mga manok dito.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng San Miguel na mahigpit ang mga checkpoint at sinisiguradong walang nakakapasok na manok mula sa mga apektadong bayan sa San Miguel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.