Pulis, nagbabahay-bahay para sa on-the-spot drug test

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 08:07 PM | Updated as of Aug 23 2017 01:05 AM

Pinuntahan ng pulisya ang ilang tahanan sa Barangay Payatas, Quezon City para magsagawa ng drug test sa mga residente.

Sa kuha ng independent media organization na "Vera Files", kinausap ng mga pulis ang mga residente at hiningan ng sample ng kanilang ihi.

Gamit ang isang drug-testing kit, sinuri kung gumamit ang residente ng shabu o marijuana sa nakaraang pitong araw o isang linggo.

Sa loob lang ng ilang minuto, malalaman kung positibo o negatibo nga sa paggamit ng ilegal na droga ang taong nagbigay ng sample. 

Karaniwang may pangalang hinahanap ang mga pulis sa mga bahay na pinupuntahan.

Pero kapag wala ang taong pakay nila, ipinapasailalim na lang nila sa drug test ang maabutan nilang kaanak niya sa bahay.

Sa tala ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6 Police Community Precinct (PCP) 5, may higit 1,000 residente na ang napa-drug test sa Payatas mula Hunyo hanggang unang linggo ng Agosto ngayong taon, 

Mahigit 50% o kalahati ng bilang na iyan ang nagpositibo sa droga.

Nitong Martes, Agosto 22, kabilang si alyas 'Manuel' sa mga nagpa-drug test sa help desk na itinayo ng PCP 5 sa isang kalye.

Aminado si Manuel na dati siyang gumagamit ng droga, pero boluntaryo raw siyang nagpunta roon.

Nagnegatibo si Manuel sa drug test dahil matagal na rin daw siyang huminto at gusto na niyang magbago.

Ayon kay QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar bahagi ang help desk ng kanilang 'drug clearing' para sa kampanya kontra droga. Nilinaw niyang walang pilitan ang pagpapa-drug test.

Pero may umaalma sa kampanyang ito ng pulisya.

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR) dapat ihinto ng QCPD ang pagsasagawa ng drug clearing dahil sa paglabag umano sa karapatang pantao. 

Giit ng CHR, karapatan ng mamamayan na maging pribado. Ibig sabihin maaari siyang tumanggi sa anumang proseso kung nag-aalala siya sa kaniyang seguridad.

Kahit din boluntaryo ang pagpapa-drug test, dapat may mga panuntunang sinusunod ito, at hindi lang basta-basta kinakatok sa kanilang mga bahay ang mga residenteng ipapa-drug test.

Depensa naman ng QCPD, confidential o hindi isinasapubliko ang impormasyon na nakakalap nila sa drug tests.

Gagamitin daw ito para malaman din kung sino ang isasailalim sa mga livelihood program at rehabilitasyon ng gobyerno. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.