P4-M halaga ng droga nakuha sa e-bike sa Makati

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 09:28 AM | Updated as of Aug 22 2017 12:19 PM

MAYNILA - Nakumpiska ng pulisya ang mga ilegal na drogang nagkakahalaga ng P4 milyon sa isang abandandonadong e-bike sa Barangay San Antonio, Makati City, Lunes ng gabi.

Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang 4 na plastik ng hinihinalang shabu, 2 plastik ng hinihinalang marijuana, at 3 tableta ng ecstasy. 

Ayon kay Federico Correa, Barangay Kagawad, Biyernes pa iniulat sa kanila ng isang residente ang tungkol sa e-bike na iniwan lamang sa kanilang lugar. 

"Sinabi ko dalhin sa barangay, kunan ng litrato, i-report sa pulis hayaan silang magbukas diyan," ani Correa, sa pagdidiing alam niya ang protocol sa mga ganitong kaso. 

Pero hindi agad umano naiulat sa pulisya ang tungkol sa abandonadong e-bike. Dinala lang ito sa barangay hall at saka lang nadiskubre ang droga nang buksan ng dalawang tanod. 

"Itinawag sa amin ni Kagawad Correa. Dumuty na kami. Kinukutuban kami sa motor na 'yan," ani Alvin Notado, barangay tanod.

Agad iniulat ng mga tanod ang nadiskubre sa e-bike kay Barangay Chairman Restituto Cajes pero pinigilan umano nito silang ipagbigay-alam ang nakita sa pulisya. 

"Tinanong niya kung sinabi sa pulis sabi ko di muna sa inyo ko muna sinabi para kayo bahala kung ano'ng gagawin. Hanggang pauwi kami di pa dumarating si Kap. Sabi niya wag niyo munang gagalawin yan," ani Leo Cruz, barangay tanod.

Nang malaman ng intelligence enforcement unit ng Makati, saka lang nakapagkasa ng operasyon ang mga pulis. Inaresto naman ang mga tanod na nakakita ng droga pero di nagulat sa pulisya.

Makakasuhan din ang kapitan ng barangay, batay sa testimonya ng mga nahuling tanod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.