PatrolPH

Nagbabakasyong OFW, patay sa pamamaril

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 11:46 PM

ISABELA - Patay sa pamamaril ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagbabakasyon sa kanilang bayan sa Cabatuan, Isabela noong Linggo.

Ayon sa ina ng biktima, kararating lamang mula Saudi Arabia ng kanyang anak na si Jenny Constantino, 29 taong gulang, noong Hulyo.

Linggo ng gabi nang lumabas si Constantino para mamitas umano ng talbos ng kamote sa kalsada ilang hakbang lang ang layo sa kanilang bahay sa Barangay Calaocan nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin.

"Di ko matanggap na patay na ang anak ko. Kasi walang kasalanan ‘yan. Nagpa-birthday lang. Ngayon, lumabas lang saglit kasi may inaantay pa siyang bisita. 'Yun na pala yung ikamamatay ng anak ko," ani Betty Ordonez.

Kasama umano ni Constantino ang pamangkin nang mangyari ang insidente. Swerteng hindi ito nadamay.

Ayon naman kay Senior Inspector Prospero Agonoy na Chief of Police ng Cabatuan Police, bukod sa pamangkin ay wala na umanong ibang nakakita sa krimen.

“Tumakbo itong pamangkin ng biktima at dun lang niya maidi-describe 'yung suspek ay sakay ng motorcycle na naka-shorts at naka-bull cap at may takip yung bunganga,” paliwanag niya.

May sinusundan nang gabay ang pulisya pero hindi muna tinukoy ito.

Tiwala naman ang pamilya ng biktima na malulutas ang kaso. Hustisya ngayon ang kanilang hiling. 

Nananawagan din ang kapatid ng biktima na si Jojo na makonsensya sana ang suspek.

“Huwag sana niyang itago yung ginawa niya. Aminin na sana niya na siya ang gumawa,” aniya.

Naulila ni Constantino ang 10 taong gulang na anak na babae.

Anim na taon na umano itong OFW at nakatakdang bumalik sa Saudi Arabia ngayong Setyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.