Jail guard sa Iwahig Penal Farm, timbog sa buy-bust

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 05:46 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Isang aktibong guwardiya sa Iwahig Prison and Penal Farm at kasama sa listahan ng mga high-value target ng pulisya ang natimbog sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Manuel, Puerto Princesa City Lunes.

Arestado si Paul Magay, 43 taong gulang, sa operasyong isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Puerto Princesa City Police, City Drug Enforcement Unit at Task Force Banat sa nasabing barangay.

Nakuha kay Magay ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at P8,000 marked money.

Bago ito, nahuli muna ang isang Anie Ordona sa isang hiwalay na buy-bust operation, kung saan nakuhanan siya ng anim na sachet ng pinaghihinalaang shabu at P15,000 na marked money.

Ikinanta ni Ordona na kay Magay umano siya kumukuha ng droga.

Ayon sa bayaw ni Magay na isang konsehal sa lungsod, hindi nila ito kukunsintihin.

"Hindi kami mangingialam diyan. Hayaan namin siya na patunayan sa korte kung ano mang yang kinakaharap niya na yan dahil karapatan naman niya iyan. Pero kung tutulong kami, hindi yan mangyayari," ani Councilor Rolando Amurao.

Ayon naman sa pamunuan ng Iwahig Prison and Penal Farm, nakatalaga umano sa Montible Colony si Magay, na 20 taon na sa serbisyo.

Bagama't ikinalulungkot ng pamunuan ang insidente, tiniyak naman nila na mahaharap sa kasong administratibo si Magay.

"Bukod doon sa criminal aspect na kakaharapin niya sa labas, sa amin kasi, magkakaroon din siya ng administrative case regarding sa kaniyang pagkakahuli kagabi," ani Prison Superintendent II Richard Schwarzkopf.

Hindi naman umano nagkulang ang pamunuan ng Iwahig sa pagsupil ng ilegal na droga. Sa katunayan, may nakakasa silang mga random drug testing sa Bureau of Corrections.

"Meron kaming gagawin soon... Coordinated na kami sa isang sangay ng gobyerno natin, magkakaroon tayo niyan kasi yung meron na rin kaming narequest na drug test kit...hindi natin pahihintulutan yan sa hanay natin na magkaroon tayo ng ganiyang bilang ng tauhan natin na naiinvolve sa ganiyan," dagdag ni Schwarzkopf.

Mahaharap naman ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.