Estudyante ng Palawan State U natagpuang patay sa gilid ng kalsada

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 09:22 PM

Natagpuang patay si Haziel Joy Dayday sa Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City nitong Martes. Chinee Palatino, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY- Natagpuang patay ang isang estudyante ng Palawan State University sa gilid ng kalsada dito Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Haziel Joy Dayday, 18, na natagpuang patay sa Gomez Street, Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City.

Nadatnan ng mga awtoridad ang bangkay na nakadapa at may lubid sa leeg. Ayon sa street sweeper na si Arcelita Brizo, nagwawalis siya sa lugar nang makita ang bangkay na nakasubsob sa kasukalan sa gilid ng kalsada.

"Akala ko basura lang. Nang ilawan ko, tao pala," ani Brizo.

Dalawang lalaki naman ang dumating sa pinangyarihan ng krimen at kinumpirmang kaanak nila ang biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Isasailalim rin sa autopsy ang bangkay.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.