Bagyong 'Isang' lumakas, ganap nang 'severe tropical storm': PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 12:07 PM | Updated as of Aug 22 2017 12:44 PM

Lumakas ang bagyong 'Isang' at ganap nang 'severe tropical storm' habang patuloy nitong pinauulan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) umaga ng Martes, Agosto 22.

Inilagay sa tropical cyclone signal no. 1 ang Batanes group of Islands, Babuyan group of Islands, at Ilocos Norte.

Ang mga lugar na ito ay makararanas ng masungit na panahon o katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na ulan at may kasamang malalakas na hangin.

Ang lakas ng hangin ay nasa 90 kilometro kada oras at pagbugso na nasa 113 kilometro kada oras. Inaasahang kikilos pa-kanluran ang bagyong 'Isang' sa bilis na 23 kilometro kada oras.

Inabisuhan naman ng PAGASA na maging alerto ang mga nasa lugar na isinailalim sa signal no. 1, ang Metro Manila, Luzon at Visayas sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil na rin sa epekto ng habagat.

Bandang alas-10 ng umaga, ang bagyo ay nasa layong 220 kilometro, kanluran ng Basco, Batanes, at malapit na sa linya ng Philippine Area of Responsibility (PAR). 

Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas na ito ng PAR mamayang hapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.