Ano'ng nangyari noong gabing masawi si Kian?

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 10:21 PM

Hindi pa rin makapagsampa ng kaso ang Public Attorney's Office (PAO) laban sa mga dawit sa pagkasawi ng 17 anyos na si Kian Loyd Delos Santos nitong Agosto 16.

Ayon sa PAO, hindi sila makakuha ng sinumpaang salaysay mula sa tatlong testigo sa insidente dahil nasa kustodiya sila ni Sen. Risa Hontiveros.

Kaya naman nakiusap na ang PAO kay Hontiveros na ilipat sa Department of Justice ang kustodiya sa mga testigo na maaaring isailalim sa Witness Protection Program.

Sabi naman ni Hontiveros, iginagalang niya ang hiling na ito, pero kakausapin niya muna ang mga testigo kaugnay nito. 

Tanging ang mga testigo lang daw kasi ang makapagdedesisyon kung sa tingin nila ay mas magiging ligtas sila sa kustodiya ng PAO.

Tiwala naman ang PAO na malakas ang kaso laban sa mga pulis batay sa kuha ng CCTV at sa resulta ng autopsy sa bangkay ni Kian. Lumabas doon na tatlong tama ng bala sa ulo at likuran ang tinamo ng binatilyo.

Mga huling sandali ni Kian

Binalikan naman ng ABS-CBN News ang mga pangyayari noong gabing napatay si Kian.

Base sa nakalap na salaysay mula sa mga kaanak at nakakita, alas-7 ng gabi noong Agosto 16, si Kian mismo ang nagsara ng kanilang tindahan ng school supplies.

Pagkatapos kumain, pinuntahan niya ang kaibigang nakatira malapit sa kanilang bahay.

Sandaling napatambay sa harap ng botika si Kian, sa parehong oras na dumating ang mga armadong pulis.

Biglang kinapkapan ng mga pulis ang binatilyo, pero ayon sa mga testigo wala silang nakitang baril o droga mula kay Kian.

Matapos kapkapan, sinapak, sinikmuraan at pagkatapos ay kinaladkad na siya ng mga pulis.

Nakuhanan ng CCTV ang pagbitbit ng dalawang pulis kay Kian.

Marami raw ang nakakita sa pagbitbit kay Kian dahil may mga nagba-basketball sa lugar noong mga panahong iyon.

Gustuhin man daw nilang tumestigo, natatakot sila para sa kanilang kaligtasan.

Sa kuha ng CCTV, arestado na si Kian ng mga pulis pero sa halip na dalhin sa barangay o presinto, dinala siya sa direksiyon papunta sa tabing-ilog.

Ayon pa sa mga testigo, higit 100 metro pang kinaladkad si Kian ng mga pulis hanggang sa natagpuan na lang ang kaniyang nakasubsob na bangkay at nakitang umano'y hawak niya ang kalibre 45 baril at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

13 pulis-Caloocan, pinalilimitahan ang kilos

Ayon sa Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS), 13 pulis ang kasama sa "Oplan Galugad" na ikinasa ng Caloocan police noong gabing nasawi si Kian. 

Hiniling ng PNP-IAS na isailalim silang lahat sa restrictive custody.

Paliwanag ni Atty. Alfegar Triambulo ng PNP-IAS, mahalagang malimitahan ang kilos at madisarmahan ang mga sangkot na pulis para maiwasang matakot ang mga testigo sa kaso.

Sa ngayon, tatlong pulis-Caloocan pa lang ang naka-restrictive custody.

Pinaka-senior sa kanila si PO3 Arnel Oares na naka-assign sa Station 1 ng Caloocan police.

Sa kaniyang personal data sheet, wala siyang anumang kaso. Tumanggap na rin siya ng mga medalya at pagkilala.

Ang dalawa pang naka-restictive custody na sina PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda naman, dalawang taon pa lang sa serbisyo. Wala ring kaso base sa personal data sheet nila.

Inalis naman sa puwesto ang station commander nila na si Chief Inspector Amor Cerillo at ang direktor ng Northern Police District na si Chief Supt. Roberto Fajardo.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na mananatili muna sa Camp Crame si Fajardo.

Ito ay habang iniimbestigahan ang pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.

Report tungkol kay Kian, isusumite kay Dela Rosa

Ayon sa PNP-IAS, may nakita na silang lapses o paglabag sa police operational procedure kung pagbabasehan ang CCTV.

Hawak na si Kian ng mga pulis bago siya mapatay, pero itinanggi ito ng mga pulis.

Ayon sa PNP-IAS, susuriin nilang mabuti kung sino ang nagsasabi ng totoo batay sa mga ebidensiyang nakalap sa crime scene.

Hihintayin pa nila ang resultang magmumula sa PNP Crime Laboratory pero magsusumite sila bukas ng inisyal na rekomendasyon kay Dela Rosa.

Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson na dating umupong PNP chief, dapat naka-uniporme ang mga pulis na magsasagawa ng drug raid.

Nakasibilyan ang mga pulis na bumitbit kay Kian.

Kailangan ding makipag-ugnayan muna sa barangay kapag naghahain ng search warrant at dapat may kasama ring unipormadong pulis.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Maan Macapagal, ABS-CBN News