Nanlaban? 4 patay sa Oplan Tokhang sa QC

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2016 03:10 PM

MANILA - Patay ang apat na hinihinalang tulak ng droga matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng Oplan Tokhang sa Bagong Silangan, Quezon City nitong Linggo. Iginiit naman ng isang saksi na pinagbabaril ang mga suspek nang walang kalaban-laban. 

Kwento ni Inspector Emil Garcia ng Quezon City Police Community Precinct 4, nasa watchlist nila ang mga suspek na sina Jessy Coli, Raffy Gabo, Marcelo Daa, at Anthony Comendo. 

Marami rin anya silang natatanggap na sumbong ukol sa bentahan ng droga sa lugar ng mga suspek. 

Sinabi ni Garcia na hindi nila inasahan na bigla na lang magpapaputok ang mga suspek nang puntahan ng mga pulis ang mga ito sa Purok 9. 

Narekober sa mga lalaki ang hindi pa mabilang na hinihinalang shabu at mga armas. 

Pero taliwas sa kwento ng mga pulis ang bersyon ng isang nakakita umano sa buong pangyayari. 

Ayon kay alyas Emar, nagtago siya kaya hindi nakita ng mga pulis. 

Anya, "Nahuli po nila 'yun, pinaupo po sila sa bangko tapos si 'Master' po, may posas po, iyung tatlo wala. Makalipas po ang 10 minuto, pinapunta na po sila sa likod at pinagbabaril." 

Dagdag pa ni Marilyn Malimban, kinakasama ng napaslang na si Coli, may sugat sa paa ang mister kaya imposibleng nakapanlaban ito sa mga pulis. 

"Hindi kasi makatarungan yung ginawa nila, e kung makatarungan pwede naman hulihin. May batas tayong sinusunod," ani ng umiiyak na biyuda. 
 
"Hindi manlalaban yung asawa ko dahil may sugat 'yun. Nahulog 'yun sa truck dahil sa pagtatrabaho niya bilang pahinante." 
 
Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng mga napatay na lalaki. Umaapela sila na maging patas ang imbestigasyon lalo't mga suspek pa lang ang kanilang mga mahal sa buhay at hindi pa napapatunayang mga kriminal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.