Mga kaanak, iginiit na hindi magkarelasyon sina Dayan at de Lima

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2016 06:26 PM | Updated as of Aug 22 2016 07:47 PM

PANGASINAN - Itinanggi ng mga kaanak ni Ronnie Dayan, ang dating drayber ni Senador Leila de Lima, na may relasyon ang dalawa.

Takot at halos hindi raw makatulog ang 59-anyos na nakatatandang kapatid ni Dayan, matapos iugnay sa bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) ang kapatid.

Giit niya, walang relasyon si Dayan at ang senadora.

Pinabulaanan din nitong regalo ni de Lima ang dalawang palapag na "white house" sa Urbiztondo, Pangasinan. Aniya, nabili raw ito ng pamilya nila at pina-renovate lang.

Dagdag pa niya, noong nakaraang buwan pa nila huling nakausap ang kapatid, bago lumabas ang isyu. Nag-aalala na rin daw sila kung nasaan ito.

Hiling ng pamilya na lumantad na si Dayan para matapos na ang isyu. Pakiusap rin nila na huwag agad husgahan ang kanilang pamilya, na nadadawit lamang daw sa isyu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.