Jeepney driver na 'tulak-droga,' napatay sa Bulacan

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2016 01:04 PM

MANILA - Napaslang sa buy-bust operation Linggo ang isang jeepney driver na nagbebenta umano ng iligal na droga sa apat na bayan sa Bulacan.

Lulan ng kanyang jeep, napatay ang suspek na si Jimmy Boy Gruta sa bayan ng Sta. Maria matapos umanong mahalatang pulis ang ka-transaksyon at manlaban sa mga awtoridad. 

Ayon sa mga pulis, naglalako ng droga ang suspek habang pumapasada sa mga bayan ng San Jose del Monte, Bocaue, Sta. Maria, at Meycauayan.

Nakuha anila ang impormasyong ito mula sa mismong suki ni Gruta, na sumuko sa mga pulis sa naunang operasyon ng Oplan Tokhang. 

Ilang linggo din umano nilang minatyagan ang suspek hanggang masakote ito kagabi sa Bypass Road. 

Narekober kay Gruta ang isang kalibre .38 na baril at 2.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P9,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.