Libreng sakay sa mga bakunado sa MRT, LRT-2, PNR, tuloy pa rin sa MECQ

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2021 09:33 AM

MAYNILA - Tuloy pa rin ang libreng sakay program para sa mga bakunadong pasahero sa MRT, LRT-2 at PNR ngayong nasa modified enhanced community quarantine na ang Metro Manila. 

Unang ipinatupad ang libreng sakay noong nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila nitong buwan pero ngayong nasa MECQ na ay extended ito. 

Paliwanag ng Department of Transportation, ito ay para lang sa mga Authorized Person Outside Residence o APOR na may vaccination card. Mga APOR lang din kasi ang pwedeng sumakay sa pampublikong sasakyan ngayong MECQ na matatapos sa Agosto 31.

Ayon sa MRT, LRT-2 at PNR management, kailangan ipakita lang ang vaccination card sa security guard o sa station staff. Pwede ang may unang dose o pangalawang dose na. Kailangan rin ipakita ang patunay na APOR gaya ng Certificate of Employment, PRC ID o company ID. 

Sa MRT, ang oras ng free ride ay tuwing 7 a.m. hanggang 9 a.m. at 5 p.m. hanggang 7 p.m. Sa LRT-2 naman, may libreng sakay tuwing 5 a.m. hanggang 7 a.m. at 9 a.m. hanggang 5 p.m. 

Nitong ECQ, ayon sa DOTR, umabot sa higit 1 milyon na mga pasahero ang nasama sa libreng sakay program ng MRT, LRT-2 at PNR. Magpapatuloy itong programa hanggang sa katapusan ng Agosto.