Tulong-pinansiyal panawagan ng college student na may karamdaman sa dugo

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 02:57 PM

Ito na ang ika-2 beses na nakaranas ng sintomas ng sakit na immune thrombocytopenic purpura si Aiken Jhon Magpulhin, isang second year college student mula University of Batangas. Walang trabaho ngayon ang kaniyang ina, at naulila sila ng ama at isang kapatid matapos silang mamatay sa pananambang noong 2018. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Nagsulputan ang mga pulang batik sa mga binti ng 19 anyos na si Aiken Jhon Magpulhin kasabay ng matinding pagdudugo at panghihina noong Agosto 12. 

Pangalawang beses nang dinanas niya ang sintomas ng sakit ng immune thrombocytopenic purpura, na na-diagnose taong 2017 at inakala niyang gumaling na. 

"Pinapatay ng immune system ko ang sarili kong platelets at nagkakaroon ng purpura sa katawan," ani Magpulhin. 

“Noong una, in denial po ako nang nakikita ko ang kaunting symptoms sa aking katawan kasi sabi ko, hindi naman siguro yan,” dagdag niya. 

Mag-i-isang linggo na si Magpulhin sa Jesus of Nazareth Hospital sa Batangas City para magamot at mabantayan ang kaniyang platelet count sa dugo. 

Pero hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatili rito o ang aabuting gastos. 

Walang trabaho ngayon ang kaniyang ina, at naulila sila ng ama at isang kapatid matapos silang mamatay sa pananambang noong 2018. 

“Nakakapangamba po dahil sa ganitong sitwasyon na pandemya ito nangyari. Pinapanalangin ko po na siya ay tuluyang gumaling at hangad ko po makatagpo ng tamang gamot na mailapat sa kanya,” ani Marilyn Magpulhin, ina ni Aiken. 

Sa kabila ng pagsubok, determinado si Magpulhin na magpagaling sa kaniyang kondisyon. 

“After po lahat ng fear at worries na hinarap ko noong unang mga linggo, binago po iyon ng Lord. Sabi po niya, kaya ko raw po ito. Sabi niya, kung nalampasan ko ang sakit na ito noong 2017, malalampasan ko rin ito ngayon,” ani Aiken. 

Second year Political Science student si Aiken sa University of Batangas si Aiken, at nakahanda siyang sumabak sa online classes sa susunod na linggo. 

Kahit nasa ospital pa, nais niyang ipagpatuloy ang pangarap niyang maging abogado, pati sa pag-awit. 

"Nae-excite po akong gumaling kasi alam kong maraming naniniwala sa akin, marami pong nagdadasal para sa akin. Marami pa akong pangarap para sa aking pamilya at para sa aking bayan,” ani Aiken. 

Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Aiken, maaari itong ipadala sa mga sumusunod na account: 

BDO
Marilyn P. Magpulhin
008190046921

GCASH
Kirsten Lois P. Garado
0927-417-9852

Aiken Jhon P. Magpulhin
0956-225-8595 

— Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.