PatrolPH

Ilang locally-stranded individuals inulan sa may bangketa sa Taguig

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 06:36 PM

MAYNILA — Sa kabila ng maulang panahon, nasa bangketa sa labas ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ang ilang umano'y stranded na indibidwal.

Mga locally stranded individual (LSI) daw sila na walang masilungan, walang malapitan, at ngayon ay basang-basa rin sa ulan.

Umaasa raw sila na makasama sa programa ng gobyerno para makauwi nang libre sa probinsya sa pamamagitan ng Hatid Tulong.

Hindi pa rin daw sila nate-test para sa COVID-19 kaya nananawagan sila na bigyang pansin sila at alalayan ng gobyerno na makauwi.

Karamihan sa mga tao ay noong nakaraang araw pa nasa bangketa, kasama ang mga bagahe, dahil wala na raw silang matuluyan dito sa Metro Manila.

Naglagay na lang sila ng trapal bilang panangga ngayon sa panahon ng tag-ulan.

Noong Miyerkoles ay ibinalik na sa general community quarantine ang Metro Manila kaya inasahang balik na muli ang paghatid sa LSI sa mga probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.