PatrolPH

‘Dagdag-gastos’: Ilang motorista tutol sa mungkahing toll fee sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 06:39 PM | Updated as of Aug 23 2020 07:19 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagpahayag ng kanilang pagtutol ang ilang motorista sa mungkahi ng gobyerno na lagyan ng toll ang EDSA tuwing rush hour sa anila'y dagdag-gastos na idudulot umano nito.

Ang taxi driver na si Edwin Castuera, sinabing halos wala na silang kikitain kung ipagpapatuloy ang panukala.

“Palagay ko bababa o ang traffic mababawasan kasi syempre maraming hindi dadaan diyan dahil may toll gate eh. mga may kaya lang makakadaan diyan,” ani Castuera.

Una nang nabanggit ng Department of Transportation ang mungkahing electronic road pricing o paniningil ng toll fee sa mga motoristang dumaraan ng EDSA.

Karagdagang gastos naman ang pagkakaroon ng toll gate sa EDSA para kay RG Orapay, isang motorista.

“Kung lalagyan ng toll gate, karagdagang gastos ‘yan. Hindi ako sang-ayon sa ganyan, nasa krisis tayo eh,” ani Orapay.

Ganito rin ang pananaw ni William Bobon na nagsabing mahirap makakuha ng pasahero sa ngayon.

“Lalo kaming mahihirapan sa kitaan,” ani Bobon.

HIndi ito ang tamang oras para maglagay ng e-toll, ayon sa motoristang si Bong Valentino.

“Siguro kung maganda ang ekonomiya. Pero sa panahon ngayon ng pandemya talagang wrong timing. Maaaring makabawas sa volume ng sasakyan. ‘Yan ang positive effect pero economically hindi nakakatulong sa taumbayan ‘yan lalo sa may sasakyan,” ani Valentino.

Paliwanag ni Transportation road sector senior consultant Alberto Suansing na layong masolusyonan ang traffic congestion sa EDSA tuwing rush hour, o mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga at mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.

Panukala pa umano ito noong panahon ni dating MMDA Chairman Benjamin Abalos.

“How does it work? Kagaya sa Singapore, mayroong kalsada doon na hindi ka pwedeng dumaan during peak hours. kung dadaan ka, magbabayad ka. as simple as that. ‘Yan ang road pricing,” ani Suansing.

“Dinidiscourage natin ang paggamit ng certain roads at certain times. yan ang rationale behind that,” dagdag niya.

Gagamitan ng radio frequency identification (RFID) ang paniningil ng toll fee.

Pero binigyang diin ni Suansing na hindi pa ito maipapatupad sa ngayon dahil kailangan munang ayusin ang pampublikong transportasyon sa bansa.

“Hindi magiging makatwiran sa motorista yan na iimplement tapos wala ka namang may ma-iooffer na maayos na alternative. Maayos na public transport system,” ani Suansing.

Sa isang pahayag, nilinaw ng DOTr na hindi pa pormal na napaguusapan ng kasalukuyang pamunuan ang mungkahi.

“This is an idea/concept suggested by various stakeholders, but has not been formally discussed yet by the present DoTr administration,” anila sa pahayag.

Bukas naman daw ang DoTr sa ano mang suhestiyon sa pagpapabuti ng public transportation pero kailangan pa itong dumaan sa tamang proseso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.