3 barangay sa bayan ng Murcia, inilagay sa extreme ECQ

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 05:09 PM

3 barangay sa bayan ng Murcia, inilagay sa extreme ECQ 1
Inilagay sa extreme lockdown ang mga barangay ng Lopez Jaena, Salvacion, at Blumentritt dahil sa 4 na bagong naitalang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Murcia.

Tatlong barangay sa bayan ng Murcia ang isinailalim sa extreme enhanced community quarantine matapos na maitala ang apat na dagdag kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.

Isang 3-months old baby na taga Barangay Lopez Jaena, dalawang close contact ng namatay na COVID-19 positive sa Barangay Salvacion at isang pang taga Barangay Blumentritt ang mga dagdag na kaso ng virus sa bayan ng Murcia.

Bilang precautionary measure, ipinag-utos ni Mayor Gerry Rojas na ipa-seal off ang walong mga bahay sa Barangay Lopez Jaena at 24 naman na mga bahay sa Barangay Blumentritt.

Isinailalim din sa seal off ang buong Farmville Subdivision sa Barangay Salvacion kung saan nakatira ang dalawang mga kasama ng unang namatay na positibo sa COVID-19 sa bayan.

Bukod sa namatay na pasyente na isang security guard, nagpositibo rin sa virus ang kaniyang asawa at dalawa pang mga anak.

Samantala, sinabi naman ni Rojas na muli nang magbubukas ang palengke sa Murcia ngayong linggo matapos isagawa ang disinfection.

Sa Lunes naman babalik ng opisina ang mga empleyado matapos pansamantalang isinara ang municipal hall simula noong Lunes para sa disinfection.