PatrolPH

119,000 SAP beneficiaries di pa na-encode ng LGUs kaya wala pang ayuda

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 06:32 PM


MAYNILA — Ipinaliwanag nitong Biyernes ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung bakit may ilan umanong benepisyaryo ng ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP) ang wala pa ring ayuda. 

Posibleng kasama ang mga pangalan nila sa listahan ng local government unit na hindi pa na-e-encode sa system ng DSWD.

Paliwanag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, nasa higit 119,000 benepisyaryo ng SAP ang hindi pa na-a-upload ng LGU. 
    
Bukod dito, may mga listahan ding ibinalik ang DSWD dahil kulang ang impormasyon gaya ng walang cellphone number o walang middle name.
    
Ayon kay Dumlao, mahalagang kumpleto ang detalye sa SAP form dahil kailangan ito ng mga financial service provider.

"Once this information has been provided to DSWD, ipo-process po natin 'yung duplication and once na-generate natin 'yung clean list, we will be able to provide our financial service providers para ma-frontload, ma-credit na po 'yung kanilang ayuda." ani Dumlao. 
    
Sa ngayon, sinabi ni Dumlao na nasa halos P80 bilyon na ang naipamahaging ayuda sa ikalawang SAP at 96 porsiyento na ng mga benepisyaryo ang nahatiran ng ayuda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.