11 marino na stranded sa karagatan ng China nagmamakaawang makauwi na

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 11:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinagtulungan nang isulat ng 11 Pinoy seafarer ang sulat nila sa gobyerno. Ang hiling nila, matulungan silang makauwi na sa Pilipinas.

Labing-isa silang Pilipino na di na makaalis sa isang refrigerated cargo ship sa Nan’ao, China.

Tuloy ang trabaho, kahit paso na ang kontrata. Hindi pa buo ang pasweldo. Maaaring hindi na nga raw sila sumweldo dahil nakatigil rin ang negosyo.

Hindi rin maayos ang sitwasyon ng pamumuhay nila sa barko.

"Ito po yung tinutulugan namin dito, ito po yung mga kasamahan dito, ito po yung laundry na hindi na ginagamit walang ibang mapwestuhan. Hindi nila kami pinapapwesto sa mga kwarto kahit walang laman yung iba, dito kami nilagay," ani Roland Asejo.

Maging ang supply ng pagkain, hindi sapat. Pinapakuluan nila ang kinakalawang na tubig.

"Dahil hindi po kami authorized magluto, dito po kami nagluluto. Sa sirang kettle na inayos lang namin," ani Asejo.

Tanaw mula sa barko nila ang isla ng China, pero hindi sila nakakadaong, siyam na buwan na.

Pagod na ang katawan, pagod na rin daw ang isip. Nakararanas na sila ng depresyon.

"Nag-iisip din sa pamilya namin kung may kinakain pa ba sila dahil hindi na nagpadala ang aming agency, sobra na kami sa kontrata na aming pinirmahan pero hanggang ngayon hindi pa kami nakakauwi," ani Jhon Russell Mundez.

Aminado ang Maritime Industry Authority (Marina) na isang malaking hamon ang mapauwi ang mga naipit sa karagatan.

Taya ng Marina, nasa 30,000 pang seafarer ang stranded sa mga barko sa buong mundo. Lalo na at marami pang mga bansa ang ‘di basta-basta nagpapadaong.

Ipinapangako naman ng ahensya na gagawa sila ng paraan para mapauwi ang libo-libong naipit sa karagatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.