Wanted sa kasong rape timbog sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 06:17 PM

Naaresto ng mga awtoridad noong gabi ng Martes ang isang lalaking wanted sa kasong rape sa Pasig City.

Kinilala sa ulat ng Pasig police ang suspek bilang si Janrick Rendal, 19 anyos at pang-apat sa listahan ng most wanted persons ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Dinampot ng mga pulis ang suspek sa Barangay Manggahan bandang 6:30 ng gabi, ayon sa ulat ng Pasig police.

Nangyari ang pag-aresto sa bisa ng arrest warrant na inilabas noong Oktubre 25, 2018 ng Pasig City Regional Trial Court Branch 159.

Inakusahan ang suspek ng 3 counts ng rape o panggagahasa, na nangyari noong Enero 29, 2018 sa may Creek Kangkungan Site, Barangay Manggahan.

Nakatanggap ang mga pulis ng impormasyon ukol sa pinagtataguan ng suspek at nagsagawa muna ng surveillance bago ito hulihin, ayon sa ulat.

Kasalukuyang nakadetene sa Pasig City Police Station ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.