Uri ng susô maaaring pumigil sa pagkalat ng cancer cells: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 06:28 PM

Lumabas sa pag-aaral ng isang grupo ng pharmacy students ng University of the Philippines-Manila na posibleng mapigilan ng bagongon o horn snail, isang uri ng susô, ang pagkalat ng cancer cells.

Sa ginawang pag-aaral ng grupo bilang parte ng kanilang school requirement, nakitang may sangkap ang bagongon na posibleng pumigil sa paggalaw ng cancer cells.

Isinailalim sa laboratory test ang bagongon para makuha ang sangkap na kung tawagin ay "sterol," at nagsagawa sila ng eksperimento para malaman kung posibleng gamot ito sa cancer.

Kumuha sila ng 6-day old na itlog ng itik dahil kapanahunan umano ng paglaki at pagdami ng blood vessels nito. Pero nang nilagyan nila ng sterol ang duck eggs at saka ipinasok sa incubator, nakita nilang hindi na dumami ang blood vessels nito.

"Ang cancer kasi ay ang pagdami ng cells, at sa blood vessels kumukuha ng nutrisyon ang cells. So kung hindi na dumadami ang blood vessels, hindi na rin dadami ang cells," ani Sharmaine Po, isa sa mga naging parte ng pag-aaral.

Naisipan nilang pag-aralan ang horn snail dahil talamak daw ito sa bansa lalo na sa Iloilo.

Ayon naman sa Philippine Pharmacists Association, Inc. (PPhA), nakakatulong ang mga ganitong pag-aaral sa pagtuklas ng mga bagong gamot para sa iba't ibang karamdaman.

Pero mahabang proseso pa raw ang drug development na inaabot ng 15 hanggang 20 taon. Bukod kasi sa laboratory experiment, kailangan pa ng clinical tests para masigurong ligtas at mabisa ang gamot.

"Mabibigyan nito ng idea ang mga drug developer for further research," sabi ni Leonila Ocampo, presidente ng PPhA.

Umaasa naman ang mga estudyante na magsilbing inspirasyon ang kanilang saliksik sa iba pang pharmacy students na pag-aralan ang samu't saring likas na yaman ng Pilipinas na may healing properties at puwedeng gawing gamot.

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.