Paglaya ng rapist-mayor na pumatay sa 2 UP students binatikos

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 05:48 PM | Updated as of Aug 22 2019 12:20 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binatikos nitong Miyerkoles ang napipintong paglaya ni Antonio Sanchez, ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na nahatulang pumatay sa 2 estudyante ng UP Los Baños noong 1993, kung saan ang isa ay ginahasa pa.

Karumal-dumal ang sinapit nina Allan Gomez at Eileen Sarmenta sa kamay ni Sanchez noong Hunyo 21, 1993.

Batay sa mga dokumento ng korte, hinalay ng noo'y alkalde si Sarmenta at ipinagahasa din sa kaniyang mga tauhan bago ito binaril sa mukha. Tinorture at pinatay din ang kasama ni Sarmenta na si Gomez.

Noong 1995 ay hinatulan ng 7 counts ng reclusion perpetua si Sanchez. Pero nitong Martes ay napag-alaman mula sa Bureau of Corrections (BuCor) na maaaring mapaaga ang paglaya ng convict dahil sa magandang asal na ipinakita niya sa bilangguan.

"Maaaring makakasama siya (Sanchez) sa more or less 11,000 na mga person deprived of liberty (PDL) na makakalabas in the next 2 months," ani BuCor Director General Nicanor Faeldon sa DZMM.

Si Sanchez ay isa sa higit 10,000 preso na makikinabang sa isang batas na tinataasan ang "good conduct time allowance" para sa mga mabubuti ang asal sa loob ng kulungan.

Nitong Hunyo, sinabi ng Korte Suprema na dapat makinabang din sa batas ang mga dati nang nahatulan bago pa man maipasa ang batas noong 2013.

Nagulantang naman ang pamilya ng isa sa mga biktima sa umano ay biglaan at mabilisang takbo ng pangyayari.

"[B]umalik lahat ng sakit, 'yung nakaraan, sumariwa lahat sa akin... Hanggang ngayon, di pa namin siya nakikitaan ng pagsisisi... Walang remorse sa kaniyang ginawa," ani Ma. Clara Sarmenta, ina ni Eileen.
 
Paglilinaw ng Department of Justice, Korte Suprema na mismo ang nag-utos nito kaya walang sino man ang maaaring nag-impluwensiya sa desisyon.
 
Gayumpaman, hindi pa umano makakalaya ngayong araw si Sanchez dahil maraming inmate ang naunang nakapila at mas maagang mapoproseso.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.