P1.4M na halaga ng 'shabu,' nasamsam sa Bacolod

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 12:02 AM | Updated as of Aug 21 2019 03:15 AM

Higit-kumulang P1.4 na milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa isang babaeng "tulak" sa Bacolod City Martes.

Ayon sa pulisya, nakompiska ang nasabing ilegal na droga sa babaeng high value target sa Barangay Tangub ng nasabing lungsod.

Matagal umanong minanmanan ng pulisya ang suspek na kapatid ng isang dating barangay chairman ng lungsod.

Walang trabaho ang suspek at pagbebenta lamang umano ng ilegal na droga ang ikinabubuhay nito.

Nakuha mula sa suspek ang 6 na medium-sized sachet at 2 na malaking sachet ng droga at may bigat na 225 na gramo.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na haharap sa kasong Selling and Possession of Illegal Drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.