Mister na sangkot umano sa droga, isinumbong ni misis sa mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 04:02 AM

MAYNILA—Arestado sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ang isang hinihinalang tulak matapos isumbong ng kaniyang misis sa mga pulis.

Sa video na kuha ng kaniyang misis nag-ugat ang operasyon ng Sampaloc police laban kay alyas "BJ". Kita rito ang paggamit niya ng droga sa loob ng kanilang bahay.

Nahuli si BJ sa buy-bust operation matapos magbenta ng higit P1,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Itinuro ni BJ ang pinagbilhan ng droga na si alyas Weng na nagresulta sa pagkaaresto rin nito. 

Timbog din ang kapatid ni Weng at isang parokyano sa kanilang bahay sa Miguelin St., Barangay 451. Nakuhanan sila ng P186,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Sa follow-up operation, naaresto rin ang isang babae na nagsusuplay umano ng droga kay Weng. Nakumpiska sa kaniya ang P120,000 halaga ng umano'y shabu.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.