Jeepney driver, konduktor timbog sa Bacoor drug bust

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 02:49 PM

Naaresto sa buy-bust operation sa Bacoor City ang isang jeepney driver at kaniyang konduktor, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Dinampot noong Lunes ang driver na si Kerwin Alipio, 30, at konduktor na si Jonnel Cajigas, 22, habang nasa loob ng kanilang jeepney sa may Barangay Molino 3.

Magkasabwat ang 2 sa pagbebenta ng ilegal na droga habang bumabiyahe sa Talon-Molino-Paliparan route, ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Si Alipio raw ang nagbebenta ng droga sa mga kliyente habang naghihintay ng mga pasahero sa mga terminal. Nagsisilbi naman umanong spotter si Cajigas.

"Maluwag sila magbenta, usually sa mga terminal ng Las Piñas at Dasmariñas," ani Cabatingan.

"Lantaran. Hindi mo mapapansin kasi driver siya. Ang mga pasahero, siguro akala may pinapadala lang," dagdag ng hepe.

Isang regular na pasahero ng mga suspek ang nagtimbre sa pulisya ukol sa ilegal na aktibidad.

Narekober sa mga suspek ang 15 sachet ng hinihinalang shabu.

Inamin ni Alipio na nagbebenta siya ng ilegal na droga para makadagdag sa kita niya bilang tsuper. Karamihan daw sa mga kostumer niya ay mga kapwa jeepney driver. 

Itinanggi naman ni Cajigas ang mga paratang. 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.