Dugong na nalambat sa Puerto Princesa Bay nailigtas

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 09:29 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Nailigtas ng awtoridad ang isang sea cow o dugong na aksidenteng nalambat sa bahagi ng Puerto Princesa Bay Martes.

Nagpupumiglas at malakas pa ang dugong nang makita ng isang mangingisda. Agad niyang ipinaalam sa awtoridad ang insidente.

Pinuntahan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kasama si Councilor Elgin Damasco ang lugar kung saan nakitang napulupot sa lambat ang dugong.

Sa pagsusuri, nakitang nasa maayos na kondisyon ang dugong na may sukat na 1.5 metro at may timbang na nasa 300 hanggang 400 kilo.

Video courtesy of Councilor Elgin Damasco

Watch more in iWant or TFC.tv

Malaki umano ang posibilidad na ang mayamang sea grass bed sa lugar ang dahilan kung bakit napapadpad sa mababaw na parte ng dagat ang dugong.

Agad namang napakawalan ang dugong para maiwasang maapektuhan ang kondisyon niyo.

“Mayroon kasing part ng bay, itong malapit sa Barangay Mangingisda na malawak pa ang sea grass area kaya maaaring ito ang sinundan ng dugong," paliwanag ni PCSD Spokesperson Jovic Fabello.

Magandang indikasyon rin ang presensya ng marine mammal na mayaman pa ang Puerto Princesa Bay.

Pero dapat lang umano itong pangalagaan dahil isa itong protected animal alinsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Sa tala rin ng International Union for Conservation of Nature o IUCN, kasama ito sa endangered species o nanganganib nang maubos.

“We have our laws na pumoprotekta sa mga ganitong hayop kasi mahalaga ang role nila sa marine environment. Dapat nga pinapangalagaan natin ang mga dugong kasi kakaunti na lamang sila," dagdag pa ni Fabello.

Base rin sa pag-aaral, ang mga propeller ng bangka at mga lambat ang pangunahing banta sa kaligtasan ng mga hayop tulad ng dugong.

Kaya babala sa mga mang-aabuso o manghuhuli ng dugong na may karampatang kasong kahaharapin sa paglabag sa batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.