3 miyembro umano ng kidnap-for-ransom group, patay sa engkuwentro sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 08:05 AM

CAVITE -- Patay ang 3 hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom group sa isang engkuwentro laban sa mga pulis sa Indang, Cavite Miyerkoles ng madaling-araw.

Maghahain sana ng search warrant ang mga pulis sa safehouse ng mga suspek sa Barangay Kayquit I alas-2 ng madaling-araw nang manlaban umano ang mga ito.

Kinilala lamang bilang alyas Pigsa ang isang suspek habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng 2 napatay.

Tauhan umano si Pigsa ni Magdaleno Pacia na dating pulis na natanggal sa serbisyo at nagtatag ng grupong kidnap-for-ransom.

Ayon kay Cavite Police Provincial Office director William Segun, mga miyembro ng Pacia kidnap-for-ransom group ang mga suspek na sangkot sa mga insidente ng pandurukot sa Pasay City.

Target ng grupo ang mga Chinese national na hinihingan ng milyon-milyong pisong ransom.

Ayon kay Police Col. Villaflor Bannawagan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), mahigit isang buwan nilang minanmanan ang grupo.

Narekober sa lugar ang isang M16 rifle, isang beretta pistol at isang kalibre .45 na baril.

Natagpuan din ang isang AUV na ginagamit umano ng mga suspek bilang getaway vehicle. -- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.