Lolong nagpanggap bilang Usec, arestado

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 08:09 PM

Arestado ang isang senior citizen noong Agosto 17 matapos magpanggap umano sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang undersecretary ng Office of the President. 

Nakumbinsi ng suspek ang ilang opisyal ng AFP sa Camp Aguinaldo na isa siyang undersecretary ng umano'y sub-unit na Presidential Anti-Smuggling Task Force Sea Eagle. 

Nabigyan pa ng sariling opisina ang suspek sa AFP headquarters mula noong Mayo 2018. 

Pero kamakailan ay nagduda na ang ilang opisyal ng dahil nagawa pa umanong mag-recruit ng mga kapwa niyang senior citizen ang suspek para magtrabaho sa opisina nya, kaya ibineripika na ito sa Office of the President. 

Nalamang hindi pala totoong undersecretary ang suspek at napag-alaman pang wala ring opisinang "Task Force Sea Eagle." 

Natagpuan pa ang .45 kalibreng baril sa suspek at sa kaniyang mesa. At noong ikinumpronta na ang senior citizen, nagwala ito at nanutok ng baril. 

"Wala siyang maipapakita na permit at lisensya. Illegal possession of firearms po iyon,” ani Superintendent Marlon Tan ng Project 4 Police Station 8. 

Hindi pa rin malinaw kung paano nakalusot ang suspek.

Nakakulong ngayon ang suspek na humaharap sa kasong usurpation of authority at illegal possession of firearms and ammunition.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.