Kapayapaan, pagkakaisa, panalangin sa Eid al-Adha

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 03:42 PM | Updated as of Sep 18 2019 04:39 PM

Nagdadasal ang mga Muslim sa Blue Mosque sa Taguig nitong Martes para sa pagdiriwang ng Eid al-Adha o Feast of the Sacrifice. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA -- Ipinagdiwang nitong Martes ng mga Muslim sa bansa ang Eid al-Adha o Feast of the Sacrifice sa pamamagitan ng pagdadasal at pagkatay ng mga baka.

Bago pa man sumikat ang araw nitong umaga ng Martes, libo-libo na ang nasa Golden Mosque sa Quiapo para mag-alay ng kanilang mga panalangin kay Allah.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Sultan Omar Pumbaya, administrador ng Manila Golden Mosque, laman ng kanilang mga dasal ang pagkakaisa ng lahat ng Muslim.

"Pinagdasal namin na lahat ng Muslim sa buong mundo na magkaisa po, na tanggapin ng Panginoong Allah ang panalangin ng lahat ng kapatid na Muslim," ani Pumbaya.

Ayon naman kina Moca Bitumog Papandayan at Abolkhair Saibatol—mga nakaligtas mula sa Marawi siege noong nakaraang taon—ipinagdasal nila ang kapayapaan sa bansa, lalo sa Mindanao.

"Sana po magkaroon ng kapayaapan sa Pilipinas especially sa Mindanao. Sana matanggal na ang mga hindi pagkakaunawaan," ani Saibatol.

"Mahirap naranasan ko. Hanggang ngayon nararamdaman ko ang sakit, 'yong pagkahuli sa akin muntik na ako barilin," dagdag naman ni Papandayan.

Samantala, sa Mindanao, daan-daang baka ang kinatay at ipinamahagi sa mga residente sa Lanao, Marawi, at Iligan.

Nasa 400 baka ang kinatay sa Baloi, Lanao Del Norte para ipamahagi sa mga residente kasabay ng pagdiriwang ng Eid al-Adha o Feast of the Sacrifice. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Pinangunahan ng mga organisasyon ng mga dayuhan ang seremonyal na pagkatay sa mga baka.

Ayon kay Mohammad Rizal ng Turkish-Filipino Friendship and Solidarity Association, taong 2003 nang simulan nila ang pamamahagi ng "qurbani" sa iba-ibang lugar sa bansa.

Ang "qurbani" ay isang tradisyong Muslim na isinasagawa tuwing Eid al-Adha kung saan sinasakripisyo ang hayop kay Allah at ibinibigay sa mga nangangailangan.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag naman ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Assemblyman Zia Alonto Adiong na ang Eid al-Adha ay isang pistang maaaring pagsaluhan ng mga Muslim at Kristiyano.

"If only we can see through beyond the layers of differences between us and hold on to the optics that binds our faiths together, I dare say, we have so much in common that makes us stronger as a people instead of pointing out the differences that make us weak," ani Adiong.

Isa ang Eid al-Adha sa dalawang mahalagang pista ng mga Muslim bukod sa Eid al-Fitr. ​​ —Ulat nina Ron Gagalac at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.