9 kadete ng PNPA, pinasisibak dahil sa 'panggugulpi'

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 06:47 PM | Updated as of Sep 18 2019 04:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirekomenda na ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang pagpapatalsik sa siyam na kadete na nambugbog sa kanilang upperclassmen matapos ang graduation rites noong Marso 21 sa Silang, Cavite. 

Ayon sa PNPA, lumalabas na guilty ang mga kadete base sa mga nakalap na ebidensiya. 

Ayon sa report, katatapos lang ng graduation ng Maragtas Class of 2018 noong nasabing petsa at pabalik na sana sa academy ang mga graduate. Doon na umano sila ginulpi ng kanilang hindi bababa sa 20 underclassmen. 

Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ang may lagpas 20 kadete na sangkot sa pananakit. 

PARUSA

Sa resulta ng imbestigasyon ng PNPA, napatunayan na base sa mga pahayag ng testigo at biktima ay nambugbog nga ang may siyam na kadete.
 
Suspendido naman ang dalawang kadete na babalik pa ng isang taon sa academy.

Tatlumpu’t isa naman ang papatawan ng parusang demerit, touring, at confinement habang absuwelto naman ang dalawang kadete.

Ayon pa sa PNPA, motibo umano ng pananakit ang paghihiganti ng kadete sa kanilang upperclassmen.

Binigyan ng palugit na hanggang Miyerkoles ang mga nakasuhan para umapela.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.