Sanggol, inabandona ng ina sa damuhan

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 10:24 PM

NUEVA VIZCAYA - Walang saplot at nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol na natagpuan sa damuhan sa Purok Payao, Barangay Poblacion sa Aritao, Nueva Vizcaya noong August 10.

Himala namang nabuhay ang sanggol na babae, na natagpuan umano ng isang lalaking maliligo sana sa ilog.

Hinala ng pulisya, doon na mismo sa lugar nailuwal ang sanggol.

Maliban sa nabalot ng damo ang katawan nito, wala naman nakitang sugat sa sanggol, na agad ipinaubaya sa Provincial Social Welfare and Development Office sa Bayombong.

Matapos ang isang araw ay nagpakilala ang umano'y ina ng sanggol. Tumanggi itong humarap sa kamera at nakiusap na itago ang katauhan, ngunit inamin niya na sinadya niyang sa damuhan ipanganak ang sanggol.

Siya na rin umano ang pumutol sa umbilical cord ng sanggol bago niya ito iniwan.

Dagdag pa niya, ikatlo sa kanyang mga anak ang sanggol at malaking problema para sa kanya kung paano bubuhayin ang kanyang mga anak lalo na't isa siyang single parent.

Pinagsisisihan na rin umano niya ang kanyang ginawa at nais mabawi ang anak.

Pero ayon sa mga social worker, dadaan pa ito sa masusing proseso, kabilang na ang pagpapatunay na siya nga ang ina ng sanggol.

Maaring kasuhan ng frustrated infanticide ang ginang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.