Nanindigan ang pulisya sa pahayag nitong sangkot sa ilegal na droga ang napatay na si Kian Loyd Delos Santos, 17 anyos, taga-Caloocan, nitong Miyerkoles, Agosto 16.
Bukod sa pagsasapubliko ng umano'y katransaksiyon ni Kian sa ilegal na gawain, sinabi rin ni Northern Police District director Chief Supt. Roberto Fajardo na umaabot sa 10 gramo ng ilegal na droga ang naide-deliver umano ng binatilyo bilang isang 'drug courier'.
Ayon pa kay Fajardo, totoong wala sa listahan ng 'drug watch list' ng barangay si Kian, dahil kakatukoy pa lang umano sa binatilyo bilang isang drug personality.
Pero aniya, kilala raw si Kian sa barangay at tinatawag pa umanong "adik", "pusher" at "siga" sa kanilang lugar.
Nauna nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald 'Bato' Dela Rosa na ginagamit si Kian ng kaniyang pamilya para maghatid ng droga sa mga parokyano.
Gayumpaman, pinaiimbestigahan na ni Dela Rosa sa Criminal Investigation and Detection Group ang pagkamatay ni Kian.
Naniniwala ang hepe ng pambansang pulisya na lehitimo ang operasyon ng mga pulis-Caloocan pero dismayado si Dela Rosa sa kinahinatnan nitong pagkasawi ni Kian.
Humihingi rin si Dela Rosa ng pang-unawa sa taumbayan at tiniyak na hindi niya kukunsintihin ang anumang pang-aabuso mula sa kanilang hanay.
Bukas naman ang Department of Justice na bigyang proteksiyon ang pamilya delos Santos matapos atasan ng kagawaran ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang nangyari kay Kian.
DepEd pumalag
Nauna nang kinondena ng Department of Education (DepEd) ang sinapit ng estudyante.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones, kinausap niya si Pangulong Duterte kaugnay nitong insidente.
Aniya, gusto rin ng Pangulo ng patas na imbestigasyon sa kinahinatnan ng binatilyo.
"Kung maipakita na guilty ang policemen, dapat talaga they should be put to jail and they should be meted the appropriate punishment," iyan ang sabi ni Duterte, ani Briones.
"Maski sino, maski ano'ng kasalanan, hindi ganoon ang paraan ng pagtrato ng bata," dagdag ng kalihim.
'Kian, walang ibang inaatupag kundi pag-aaral at pagtitinda'
Pinasinungalingan ng mga malalapit kay Kian ang alegasyong konektado siya sa ilegal na droga.
Kuwento ng dating kasintahan ng binatilyo na si alyas 'Angelica', mapagmahal at palabiro si Kian.
Pangarap din daw ni Kian na makapagtapos at maitaguyod ang pamilya para hindi na kailangang magtrabaho sa ibang bansa ng kaniyang ina.
'Damit para sa prutas'
Sa panayam kay Sen. Bam Aquino sa 'Pasada Sais Trenta' ng DZMM, ikinuwento niya ang kaniyang pakikipag-usap sa ilang kaibigan ni Kian.
Ayon sa matalik na kaibigan ng binatilyo, nagbenta ng damit si Kian kamakailan para lang magkaroon siya ng perang pambili ng prutas para sa best friend.
Inoperahan daw kasi ang kaibigan kaya naisipang dalhan ng prutas ni Kian.
Kuwento ng isa pang kaibigang babae, tuwing nakikita raw siyang naglalaba ni Kian, nagpepresenta ang binatilyo na ipaglaba ang dalagita.
Magpupulis sana
Ayon din sa kababata ni Kian na si alyas 'Robert', pangarap ng binatilyo na maging pulis dahil gusto niyang maging bahagi ng kampanya kontra droga.
Sinegundahan ito ng tiyahin ni Kian na si Lucy delos Santos na sinabing tagasuporta ni Pangulong Duterte ang pamangkin.
Sabi pa ng lolo ni Kian, walang ibang inaatupag ang apo kundi ang mag-aral sa umaga at magbantay ng kanilang sari-sari store sa gabi.
Malinis din ang record ni Kian sa paaralan, ayon sa kalihim ng DepEd.
"Mabait na bata daw, kind boy," ani Magtolis Briones. "Wala kaming negative na report [kay Kian]... As far as our records are concerned, maayos naman ang pag-aaral niya."
Nasa ilalim din ng voucher program ng DepEd si Kian na tinutulungan ng kagawaran sa gastusin sa pag-aaral.
Bago maisailalim sa voucher program, dapat maganda ang record ng isang estudyante.
Pinabulaanan na rin ng ama ni Kian ang alegasyon ng pulisya na drug courier at runner ang kaniyang anak para sa mga umano'y transaksiyon ng ilegal na droga nilang mag-anak.
Handa rin aniyang magpa-drug test ang pamilya Delos Santos upang mapatunayan na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga.
-- Ulat nina Maan Macapagal at Jeff Canoy, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, war on drugs, Kian Loyd delos Santos, Northern Police District, Department of Education, Leonor Magtolis Briones, Rodrigo Duterte, Bam Aquino, Pasada Sais Trenta, Dos por Dos, DZMM, TV Patrol, Maan Macapagal, Jeff Canoy, Bam Aquino, DepEd, Leonor Briones, voucher program