'Oplan Manok-hang': Mga bayang apektado ng bird flu, ginalugad para sa natitirang manok

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 04:34 PM | Updated as of Aug 22 2017 12:20 AM

SAN LUIS, Pampanga - Nag bahay-bahay ang mga awtoridad Lunes upang inspeksyunin kung may natitirang mga manok, itik, bibe, at iba pang mga ibon at itlog sa mga barangay na apektado ng bird flu.

Ilang manok at kalapati ang kinumpiska matapos galugarin ng mga awtoridad ang mga bahay sa loob ng 1-kilometer radius dito sa bayan.

Ipinag-utos ng gobyerno na katayin ang lahat ng mga ibon na matatagpuan 1 kilometro mula sa lugar kung saan unang nagpositibo ang bird flu.

Hindi bababa sa 600,000 na mga ibon ang kinatay noong nakaraang linggo upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Ayon sa Department of Agriculture, may nakahandang ayuda ang gobyerno para sa mga magsasakang apektado ng paglaganap ng sakit.

-ulat mula kay Gracie Rutao, ABS-CBN News.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.