Nasirang bisikleta, pinag-ugatan ng rambol sa Maynila; 3 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 01:39 AM

Tatlo ang sugatan kabilang ang isang menor de edad sa nangyaring rambulan pagkatapos ng barangay fiesta sa Sta. Ana, Maynila. 

Kuwento ng 14 anyos na si alyas 'Diego' na nadamay sa gulo at tinamaan ng bote ng alak sa ulo, sumiklab ang gulo nang komprontahin ni Wilson Peralta ang lasing na kapitbahay na nanghiram ng kanyang bisikleta.

Sira na umano ang bisikleta ni Peralta nang ibalik sa kanya ng lasing na kapitbahay.

Sinuntok sa tagiliran si Peralta ng lasing niyang kapitbahay at doon na nagsimula ang rambol.

Sinasabing si Peralta ang nanaksak sa isang lalaki na inakala niyang mula sa kabilang grupo. Pero ayon sa ilang taga-barangay, bystander lang ang nasaksak na kinilalang si Jobelle Relimbo. 

Nagtamo ng saksak sa magkabilang bahagi ng ulo at kamay si Relimbo.

Aniya, "Akala niya kaaway nila ako pero kami ang umaawat sa kanila."

Nakita pa sa CCTV ang pag-atras ni Relimbo na puno na ng dugo ang mukha. Habang bitbit naman ng kapatid niya ang upuan na ihahampas sana niya sa nanakit kay Relimbo pero hindi na niya ito naabutan.

Tumagal nang anim na minuto ang rambol pero natigil din ang kaguluhan nang dumating ang mga opisyal ng barangay.

Sinampahan na ng kasong frustrated homicide ang itinuturong nanaksak na si Peralta na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.