Lalaking nagpapahinga sa loob ng bahay, patay sa pamamaril

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 04:29 PM

Patay ang isang lalaki sa Quinapondan, Eastern Samar matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Ayon sa impormasyon mula kay Senior Superintendent Tranquilino Araral, Provincial Director ng Eastern Samar Police Provincial Office, nangyari ang pamamaril Linggo ng gabi sa Barangay Buenavista.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakahiga sa duyan sa loob ng kanyang bahay ang biktimang si Teddy Baillo, 48 taong gulang, nang lapitan ito ng isang lalaki at biglang binaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima mula sa hindi pa tukoy na uri ng baril.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang salarin sakay ng isang motorsiklong walang plaka.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.