Lalaking nagbantang ikakalat ang hubad na larawan ng ex, arestado

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 11:41 AM

Arestado ang isang lalaking umano'y nangikil ng P2,000 sa kanyang dating kasintahan kapalit ng pagbubura sa mga ikinalat nitong hubad na larawan ng babae.

Kinilala ang suspek na si Jeff Beck San Agustin na gumawa pa ng dummy account sa social media gamit ang pangalan ng kanyang ex girlfriend na kinilala lamang sa alyas na "Janine."

Kuwento ng biktima, Linggo ng umaga nang makatanggap siya ng text mula sa mga kaibigan para sabihin sa kanyang may mga larawan siyang kumakalat sa Facebook.

Makalipas ang ilang sandali, ani Janine, si San Agustin na ang mismong kumontak sa kanya at nagbantang ikakalat ang iba pa niyang larawan kung hindi siya magbibigay ng pera.

"Nagsumbong na 'ko sa family ko, lalo siyang nagalit," ani Janine. "Kulang pa raw ang kamatayan sa ginawa ko sa kanya. Hiniwalayan ko siya, bakit di niya magawang mag-move on?"

Nang mahuli sa operasyon sa Pateros, umamin naman ang suspek na siya ay nalugmok sa depresyon nang siya ay hiwalayan ng dating nobya kaya niya nagawang manakot.

"Di ko lang matanggap ang nangyari sa amin," ani San Agustin, na kakasuhan ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act at Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Payo ng mga awtoridad, iwasang magpadala ng mga pribado at maseselang larawan sa internet, dahil posible itong magamit laban sa nagpadala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.