Lalaking bumaril sa aso ng kapitbahay, kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 08:41 PM | Updated as of Aug 22 2017 12:35 AM

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki matapos niyang barilin ang isang aso sa harap mismo ng tagapag-alaga nito sa Cavite. 

Kuwento ni alyas 'May', may-ari ng aso, nag-jo-jogging ang kapitbahay na si Isaias Pura at inirereklamo ang kaniyang asong si Happy na pagala-gala. 

Nagulat na lamang siya nang bumunot umano ng baril si Pura at pinaputukan ang aso sa mukha.

"It's just sad kasi nakita mo 'yung inalagaan mo for two years na namatay. Oo, may kasalanan naman kami kasi pinabayaan namin siya [si Happy] na pagala-galang mag-isa pero hindi niya deserve ang pagkamatay niya," ani May.

Nagpa-blotter sa barangay si May at pumunta sa pulisya pero hindi umano inimbestigahan ang kaso.

"Ang sabi nila sa akin wala raw kasing help desk para sa mga aso," ani May.

Paliwanag ng Dasmariñas police, dapat ang barangay ang sumangguni sa kanila ng reklamo at hindi raw dapat dumiretso sa kanila ang biktima.

Kaya inilapit ni May sa NBI ang reklamo at agad na inimbestigahan ang insidente.

Kakasuhan si Pura ng pagmamalupit sa hayop at pagmamay-ari ng armas na walang kaukulang dokumento. 

Naniniwala naman ang NBI na intensiyon talaga ng suspek na patayin si Happy.

Ayon sa pamilya, wala ring nakaraang insidente ng pangangagat ang kanilang alagang aso.

Nagpadala ng subpoena ang NBI kay Pura para mabigyan siya ng pagkakataon na depensahan ang sarili pero hindi umano ito nakipagtulungan sa imbestigasyon.

Pinuntahan din ng ABS-CBN News ang bahay ng akusado pero wala raw siya roon.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.