Kian, binaril nang malapitan; murder planong ikaso sa mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 08:10 PM | Updated as of Aug 22 2017 12:29 AM

Desidido ang pamilya ni Kian Loyd delos Santos na magsampa ng kasong murder laban sa mga pulis na dawit sa pagkamatay ng 17 anyos sa Caloocan noong nakaraang linggo. 

Ito ay matapos makita sa ikalawang autopsy na malapitan ang mga tama ng baril na kumitil ng buhay ng Grade 11 student. Sinasabing nanlaban si delos Santos at namaril nang madampot sa Oplan Galugad ng Caloocan police. Ngunit iba ang ipinakita ng CCTV. 

Lumabas sa tatlong oras na re-autopsy sa bangkay ni delos Santos ng PAO forensic laboratory na nagtamo siya ng tatlong fatal gunshot wounds.

May tama ang binatilyo sa gitnang likuran, mayroon din sa pinakamatigas na buto sa likod ng kaliwang tenga, at sa loob mismo ng kanyang kaliwang tenga. Sa mga tama sa may tengang bahagi, lumalabas na malapit at nasa paanang bahagi lang ni Kian ang bumaril.

Pahayag ni Dr. Erwin Erfe ng PAO forensic laboratory, “Angulated ‘yung trajectory, ibig sabihin nakatayo lang 'yung shooter. Mukhang ang finishing shot ‘yung tumama dito sa loob ng tenga. Napakalakas ng ebidensiya kasi sa likod ang tama, sa parlance namin sa forensics mukhang intentional killing ito.”

Wala ring nakitang indikasyon ang mga forensic doctor na nanlaban si Delos Santos maliban na lang sa sugat sa kaniyang tiyan.

Kinuwestiyon din ng PAO forensic experts kung bakit sa kaliwang kamay nakita ang kalibre 45 baril gayong right handed ang binatilyo.

Para kay Erfe, “Imposible na ikaw ay right handed ay pumutok ka sa left hand unless ikaw ay trained shooter o law enforcer ka na napag-aralan mo na pumutok ka using your non-dominant hand.”

Tatayong legal counsel ng pamilya delos Santos ang Public Attorney's Office sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot na pulis-Caloocan.

“Talagang magpa-file po ng murder ang family. 'Pag binaril ka ng talikuran treacherous po 'yun. Kaya du'n po sa mga involved na pulis mabuti po ay sumuko na kayo sa batas,” ayon kay Atty. Persida-Rueda Acosta, hepe ng PAO. 

Tumugon ang PAO sa hiling ng pamilya na tulungan sila sa imbestigasyon ng kaso kabilang na ang pagsasampa ng kasong kriminal.

Mula kasi nang mapaslang si Kian, wala pa silang nakukuhang kopya ng autopsy report ng PNP crime lab.

"Uulitin 'yung autopsy para sa katarungan ng anak ko. Anak, andito na ang PAO, lalabas at lalabas ang katotohanan, mabibigyan ka ng katarungan, magiging masaya ka na, anak. Si Mama, hindi na aalis, lalaban tayo, anak, hanggang sa huli, mahal na mahal kita," ani Lorenza, ina ng binatilyo.

Pumunta rin ang PAO forensic team at mga taga-NBI para mag-inspeksiyon sa lugar kung saan pinatay si Kian.

Nais namang makuha ng PAO forensic team ang damit ng binatilyo para masuri nila ito lalo’t may tama sa likod ng katawan si Kian.

“From the clothes makikita natin kung malapitan kasi nandun ‘yung ebidensiya nandun ‘yung pulbura kung magkakaroon ng hearing masa-subpoena ma-i-examine natin,” ani Erfe.

Hindi makapaniwala ang pamilya nang malaman ang resulta ng autopsy.

Ayon sa tiyuhin ni Kian na si Randy delos Santos, "Sabi sa death certificate gunshot lang. Ito po pala andami sa likod para namang pinagpraktisan nila pamangkin ko. May shooting range naman dun niyo na lang ibuhos ang galing niyo".

Pagluluksa ng pamilya delos Santos

Masama rin ang loob ng ama at tiyuhin ni Kian na sa gitna ng kanilang pagluluksa, inaakusahan pa sila ngayon na sangkot umano sa droga.

"Kami na nga agrabyado rito, willing po kami magpa-drug test. Lahat sana 'yung mga pulis magpa-drug test din. Baka 'yun ang mga adik kasi walang awang pumatay," saad ni Saldy delos Santos, ama ni Kian.

Habang lumilipas naman ang araw, lalong lumalalim ang sugat sa puso ng ina ng binatilyo mula nang mapatay ang 17 anyos na anak.

"Nag-chat pa tayo papabili ka ng bike. Andito na si Mama. Sabi ko ten days ipapadala ko na. Hindi mo ko hinintay. Sabi mo mahal na mahal mo si Mama. 'Pag nakatapos ka ng pag-aaral titigil na ako mag-abroad kasi alam mo na pagod na rin ako," hinagpis ng inang si Lorenza.

Pero nagpapasalamat naman ang pamilya delos Santos sa pagbuhos ng tulong at simpatiya sa kanilang pamilya.

Panawagang hustisya para kay Kian

PAO na ang magsasampa ng kasong kriminal laban sa mga pulis kaya umaapela ang opisina at ang pamilya delos Santos kay Senadora Risa Hontiveros.

"Sen. Hontiveros, sana po 'yung mga testigo ibigay na lang sa PAO para isa na lang hahawak at matupad hustisya sa anak ko," ani Saldy. 

Hindi raw sila papayag na mauwi sa wala ang brutal na sinapit ni Kian sa kamay ng mga pulis-Caloocan.

Samantala, nagpatuloy ang pagmartsa ng ilang grupo sa Caloocan City upang ipanawagan ang hiling na hustisya sa pagkamatay ni Kian.

Kabilang sa mga nakiisa sa martsa ang mga grupong Rise Up for Life and Rights, Stop the Killings Network, Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, Migrante at ilang indibidwal at pari.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.