Dating sumuko sa 'tokhang' patay sa pamamaril sa Malabon

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 11:52 AM

Patay ang isang lalaking dati nang sumuko sa "Oplan Tokhang" matapos siyang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Niogan, Malabon, Linggo ng gabi.

Kinilala lamang biktima sa alyas "Bota," 40, na batay sa rekord ng pulisya ay dati nang nakulong dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga noong 2016.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na sana si alyas Bota galing sa isang internet cafe malapit sa kanila nang bigla siyang barilin sa N. Vicencio Street.

Kuwento ng ilang residente, nakarinig sila ng isang putok at nang lumabas ng bahay ay nakita na lamang nila ang nakahandusay na katawan ng biktima.

Kilala ng mga kapitbahay na gumagamit ng ilegal na droga si Bota pero mabait naman umano ito sa kanila kahit medyo makulit.

"Makulit lang po. Hindi naman siya salbahe. Once na napikon, lumalaban. Never siya naging trigger [happy] na kapag napagtitripan ka," salaysay ng isang kapitbahay na tumangging magpakilala.

"Lately nabalitaan naming gumagamit siya. Pinapayuhan ng barangay. Ayaw din siguro [tumigil]," dagdag pa nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.