Batang babae, patay matapos masagasaan ng trak

Rona Nunez, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 04:16 PM

Patay ang isang 4-taong gulang na batang babae matapos masagasaan ng trak sa Barangay Masalong, Labo, Camarines Norte Biyernes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Janine Aylas, residente ng nasabing barangay.

Sa kuha ng CCTV, makikitang biglang kinain ng trak ang kabilang linya ng kalsada.

Kita rin ang pagtakbo ng ilang tao palapit sa nakabulagtang bata.

Dead on the spot si Aylas.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, galing Barangay Pag-asa papunta sana sa sentro ng bayan ang trak na minamaneho ni Porferio Lausin Jr., 49 taong gulang.

Ayon kay Lausin, nagulat siya sa biglaang pagtawid ni Aylas sa kalsada matapos bumaba sa sinasakyang tricycle habang nagbabayad naman ng pamasahe ang nakatatandang kapatid nito.

Palusong at pakurba ang kalsada kung saan nangyari ang aksidente.

Pansamantalang ikinulong ang drayber ng trak pero nakalaya na rin matapos pumayag na makipag-areglo ang pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.