3 sugatan sa salpukan ng traysikel, taxi sa Pasay

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 11:48 AM

Tatlo ang sugatan nang magkasalpukan ang traysikel at taxi sa Roxas-Buendia flyover sa Pasay, Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang nasugatang si Elmer Carreon, drayber ng traysikel; at mga pasahero niyang sina Rafael Javonillo at Josefina Campo.

Ayon sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng taxi nang sumalpok ito sa traysikel bandang ala-1 ng madaling araw.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon pa si Carreon at tumama ang ulo nito sa windshield ng taxi.

Mabilis namang tumakas ang driver ng taxi pero isang lisensiya na posibleng pag-aari nito ang naiwan sa kalsada.

Hindi ito ang unang beses na may naaksidenteng traysikel sa Roxas-Buendia flyover.

Ito ay kahit pa mahigpit na ipinagbabawal ang mga trike na dumaan sa national road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.