2 bayan sa Nueva Ecija na may bird flu, isinailalim sa 'state of calamity'

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 12:04 AM

Nagdeklara na ng state of calamity sa bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija matapos makumpirma ang kaso ng bird flu sa mga lugar na ito. 

Ayon kay Governor Czarina Umali ng Nueva Ecija, inilagay na nila sa state of calamity ang mga nasabing bayan para masawata nila ang pagkalat ng bird flu virus at magamit na rin ng mga munisipyo ang sarili nilang calamity fund.

Sa ngayon, naka-ban muna sa pagpasok sa South Korea at Japan ang mga poultry product mula sa Pilipinas hanggang maging bird flu free na ang bansa.

Papatayin ang higit 300 poultry sa 17 barangay sa Nueva Ecija na tinukoy ng Department of Agriculture na apektado ng bird flu.

Higit 28,000 pugo na mula sa anim na farm sa Brgy. Imbunia sa Jaen ang napapatay.

Kaya problema ngayon ng mga nag-aalaga ng pugo kung saan kukuha ng panggastos at pambayad sa mga utang. 

Kagaya na lamang ni Marissa Martin na aniya, sa quail farm ibinuhos ng kaniyang anak ang limang taong pinagtrabahuhan sa Saudi.

Ani Martin, kulang ang P10 kada pugo na bayad ng gobyerno sa kanila.

"Kung makukuha nila ng P10, kailan makukuha? Magkano lang ho yun? Oh, eh ang puhunan po? Ang utang pa? Ang pagod ng anak ko?" aniya.

Sa San Isidro, sinimulan muna ang culling sa farm na namatayan ng manok.

Napilitan na ang anak ng may-ari ng farm na si Manuel Ortiz Luis na ipapatay ang mga manok kahit para sa kanya, hindi pa siguradong may bird flu nga sa kanyang farm. 

Ayon sa Department of Agriculture (DA), positibo na sa avian influenza H5 ang virus sa Jaen at San Isidro.

Tulad sa Pampanga, inaalam pa kung makahahawa ito sa tao. Pero, pagtitiyak ng DA, ligtas pa rin kumain ng manok.

Sa kabila nito, matumal pa rin ang bentahan ng itlog at manok.

Kaya humihirit naman ang ilang raiser at dealer ng manok sa Nueva Ecija na huwag kalimutang mabigyan sila ng tulong dahil sa laki rin ng kanilang lugi.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, walang sapat na pondo ang gobyerno para bayaran din ang mga retailer at dealer, pero maaari naman silang mangutang.

--Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN NEWS

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.