2 hinihinalang drug pusher, pinatay sa Pasig City

Ron Lopez, DZMM

Posted at Aug 21 2016 10:48 AM

Pinaslang ng hindi pa nakikilalang grupo ng mga lalaki ang dalawang hinihinalang tulak ng droga sa Pasig City madaling araw ng Linggo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga biktima, na kinilalang sina Michael Gallilea at Rene Cuison, ay nakasakay sa isang tricycle na minamaneho ni Cuison bandang alas kwatro ng umaga nang harangin ito ng dalawang lalaking nakasakay sa dalawang motorsiklong walang plaka sa Bolante Dos, Barangay Caniogan, kung saan nakatira si Gallilea.

Sinubukan pang tumakbo ni Gallilea sa loob ng Asilo Ville ngunit nahabol ito ng armadong suspek at pinagbabaril hanggang sa mapatay.

Binaril naman si Cuision at bumulagta malapit lamang sa kanyang motorsiklo.

Batay sa salaysay ng ilang kapitbahay, si Gallilea ay kilalang tulak ng droga habang si Cuison, na residente ng Cainta, Rizal, ay nagsusuplay rin ng droga na nanggagaling kay Gallilea.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng hindi pa malamang uri ng baril at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Iniimbestigahan na ngayon ng Pasig Police ang posibleng pumatay sa dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.