TFC News

Libangang pagtatanim ng Pinoy vegetable farmer sa Italya, kumikita tuwing tag-init

Mye Mulingtapang | TFC News Italy

Posted at Aug 20 2022 11:28 AM | Updated as of Aug 20 2022 05:13 PM

PARMA - Libangan lang noon ni Lino Mandigma ang pagtatanim ng gulay. Pero ngayon, ito ang nagbibigay sa kanya ng dagdag na kita.

Kaya biro niya, hindi lang daw mga gulay kundi Euros din ang tumutubo sa kanyang 250-kwadradong parisukat na taniman sa Parma, Italy.

Pinoy farmer sa Italya

Kumikita siya ng humigit kumulang na 2,000 Euros o higit PHP 100,000 tuwing tag-init. Nagtatanim at umaani siya ng kamatis, sitaw, talong, kalabasa, pechay, ampalaya at samu’t saring gulay.

“Naitanim ko na gulay ngayong taon ay 25 na klaseng mga gulay kung may kanta sa bahay kubo na 18 klase ng mga gulay itong sa akin sobra pa,” sabi ni Lino Mandigma, Pinoy vegetable farmer sa Italy.

Tuwang-tuwa si Mandigma dahil nadala niya sa Italy ang kanyang green thumb, hindi lang para sa pagkain ng pamilya pero pwede ring pagkakitaan. 

“Ito yung sinasabi kong libangan na may kita dahil syempre sa dami naman ay hindi naman natin ito makakakain sa dami nito,” dagdag ni Mandigma.

Mahigit dalawang dekada na ring nagtatanim ng gulay sa Italy si Mandigma na isa ring household service worker at barbero. Aniya naging malaking tulong ang kanyang mga tanim lalo noong pandemya.

“23 years na akong nagtatanim dahil simula noong ako’y dumating dito ay may nakita akong bakanteng lupa doon sa tagiliran noong tinitirhan namin, nag-umpisa na akong magtanim,” balik-tanaw ni Mandigma.

Pero hindi raw biro ang oras at pagod na inilalaan sa pagtatanim para mamunga ito nang masagana.

“Kapag may passion tayo sa isang bagay, magagawa natin syempre lahat ng paraan. Alas-singko pa lang ng (umaga) gising na ako, pumupunta na ako rito sa garden,” sabi ni Mandigma.

Watch more News on iWantTFC
Watch more News on iWantTFC
Watch more News on iWantTFC

Nagbibigay din si Mandigma ng tips sa pagtatanim sa kanyang YouTube channel. Sipag at diskarte ang ginamit ni Mandigma sa kanyang hobby-turned-sideline business, anya nag-eenjoy na raw siya, may dagdag kita pa siya.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italy, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.