PatrolPH

Mahigit P400-K halaga ng 'shabu' nasabat sa Marikina, Pasig

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2021 03:03 AM

MAYNILA - Dalawang operasyon ang ikinasa sa Marikina at Pasig City na nagresulta sa pagkakahuli ng anim na drug suspect Huwebes.

Sa Marikina, nangyari ang buy-bust sa Barangay Tumana kung saan nagbenta ng limandaang pisong halaga ng hinihinalang shabu ang target na 27 anyos na lalaki. Siya ang pinakabata sa grupo.

Nang kapkapan ang mga kasama niya, nasa P238,000 na halaga hinihinalang shabu ang kabuuang nakuha.

Apat sa kanila ang walang trabaho habang tricycle driver naman ang isa.

Kumpiskado rin sa lima ang drug paraphernalia na ayon sa mga pulis ay ginagamit sa pagtatarya ng droga.

Sa Pasig City, arestado rin ang 55 anyos na si alyas Junjun matapos kumagat sa buy-bust operation Eastern Police District.

Nakipagkita siya sa Pleasant Village sa Manggahan kung saan siya umano nagbenta ng P30,500 halaga ng hinihinalang shabu.

Pero karagdagang 26 grams pa ang nasamsam sa kanya na abot sa P176,800 ang halaga.

Ayon sa pulisya, malakihan na kung maglabas ng suplay ang naturang suspek.

Sa dalawang anti-illegal drug operation, mahigit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha.

Haharapin naman ng anim na inaresto ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.