MAYNILA - Hinangaan sa social media ang 18 anyos na si Kean Arcilla Ramos dahil sa kakaibang diskarte niya sa pagde-deliver ng produkto sa Muntinlupa.
Sa halip na motorsiklo o bike, roller blades ang gamit niya sa pagde-deliver ng ibinebenta niyang coffee at chocolate jelly.
Kuwento ni Ramos, naisip niyang magsimula ng maliit na negosyo dahil natigil sa pagiging Grab driver ang kaniyang ama na nagkasakit sa prostate kamakailan.
"I started it using my own money kasi natigil tatay ko sa pagbiyahe. No one will pay our bills, at tambak na kami simula noong mag-lockdown," kuwento ng Grade 12 student.
Walang ibang magamit na sasakyan si Kean, na pangatlo sa 4 na magkakapatid, kaya naisip niyang gamitin ang roller blades na napulot ng kaniyang tita mula Singapore.
"I really thought of this business to help my father. But then sobrang hirap po dinanas ko noong una. Sobrang demotivated 'pag nare-reject and walang bumibili," dagdag ni Ramos.
Gayunman, hindi siya tumigil sa pagbebenta.
"Tinatagan ko po loob ko, nag-alok alok po ako," aniya.
Kinuhanan siya ng larawan ng kaniyang ina habang nagde-deliver gamit ang roller blades. Nag-viral ang mga ito sa social media kaya dumami ang mga bumibili sa kaniyang mga produkto.
"Si mama kasi mahilig mag-picture 'yan sa'kin po dahil proud po 'yan sa mga ginagawa ko. Nainis pa nga po ako 'pag pini-picturan ako niyan tapos ia-upload sa Facebook," ani Ramos.
Paglilinaw ni Ramos, ang kaniyang tatay at nakatatandang kapatid ang nagtatrabaho sa Grab. Ginamit niya lang ang bag para paglagyan ng kaniyang produktong coffee at chocolate jelly.
Sa ngayon, nagde-deliver siya ng produkto niya sa Cuyab at Tunasan area sa Muntinlupa.
TV PATROL, TV PATROL TOP, Teleradyo, Grade 12 student, food delivery, rollerblades, Kean Arcilla Ramos, COVID-19, coronavirus