Pier sa Cataingan nagtamo ng malaking pinsala sa lindol

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 10:37 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagtamo ng malaking pinsala ang pier ng Cataingan, Masbate matapos ang malakas na lindol na tumama sa nasabing bayan nitong Martes.

Ayon kay Cataingan Mayor Felipe Cabataña, nag-inspeksiyon at nag-evaluate na sila sa integridad ng nasabing pier.

“Hindi na talaga puwedeng gamitin, major repair ang kailangan,” sabi ni Cabataña sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo nitong Huwebes ng umaga.
 
Ayon pa kay Cabataña, malaking epekto sa kanila ang pagkasalanta ng kanilang pier.

“Itong pier namin, ito ang nag-se-serve sa 3rd Congressional District. Pag wala ito, medyo mahihirapan ang economy dito,” sabi niya.

Niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang Cataingan na nagdulot ng pinsala sa maraming istruktura, kabilang ang mga gusali, kalsada at mga bahay. 

“May order ako na huwag munang pasukin ang mga bahay, inspeksiyunin muna ng Municipal Engineer namin para mabigyan ng certification kung safe ba ang bahay o hindi. Kung hindi safe, mag-oorder ng demolition si Engineer,” sabi ni Mayor Cabataña.

Samantala, sa mga pampublikong paaralan kasalukuyang nananatili ang mga evacuees dahil maging ang kanilang evacuation ay bahagyang napinsala ng lindol at isinailalim sa inspeksiyon.

Bukod sa relief goods, magpapadala din aniya ang Department of Social Welfare and Development ng mga tent para sa mga apektadong pamilya.