PatrolPH

Misis na dawit sa pagpatay sa mister sumuko; kalaguyo sinasabing gunman

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 05:05 PM

DATU ODIN SINSUAT, Maguindanao — Sumuko noong Martes ang isang babae dahil umano sa pagkakasangkot nito sa pamamaril at pagpatay sa kaniyang asawa. 

Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa maisan sa Barangay Ambolodto noong Biyernes. Kalaunan ay nakilala itong si Jameer Ikay, 20, at residente ng Guindulungan, Maguindanao.

Noong Martes, itinurnover ng ilang opisyal ng Guindulungan ang misis ng biktima sa mga pulis.

"Ang nangyari, sinundo sila nung kalaguyo ng babae dito sa may palengke. Nagmotor sila papunta... sa maisan, nag-shortcut sila hanggang sa dulo. Nung pagdating doon binaril ng lalaki doon sa ulo, sa likuran. Kasama rin yung babae doon parang plano nila, pinag-usapan," ani Police Maj. Romel dela Vega, hepe ng Datu Odin Sinsuat police. 

Sa kulungan, inamin ng suspek ang nagawa sa asawa.

"Siguro nadala lang... Isang beses lang kami nagkita. Pangalawa na yung nangyaring pagpatay sa asawa ko... Pagbaril lang sa ulo, yun lang. Pag tapos niyang bumaril agad na kami umuwi," ayon sa suspek. 

Naihain na rin ng pulisya ang kasong parricide laban sa kanya.

Kasabay naman ng pagkakakulong sa misis ng biktima ay ang pagkalat ng larawan ng isa umanong alyas "Pogs" sa social media na itinurong kalaguyo at kasabwat umano nito.

Pero nitong Huwebes ay lumantad rin ito sa mga awtoridad. Miyembro umano siya ng Moro Islamic Liberation Front at residente ng Datu Montawal, Maguindanao

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin umano ang hot pursuit operation ng pulisya kaugnay sa main suspect ng nangyaring pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.