PatrolPH

Lalaki tiklo sa pagnanakaw umano ng bisikleta sa Sampaloc, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 04:47 AM | Updated as of Aug 20 2020 04:48 AM

MAYNILA - Nag-report sa pulisya ang isang 52-anyos na residente ng Sampaloc, Maynila nang madiskubreng nawawala ang kaniyang bisikleta.

Madaling araw ng Martes nang mapansin niyang wala na ang mountain bike na nakaparada lang sa harap ng kanyang bahay sa Lacson Street. 

Wala rin alam ang mga kamag-anak niya sa biglang pagkawala ng bisikleta na abot sa P7,000 ang halaga.

Sa pagpapatrolya ng mga pulis, huli sa akto ang lalaking si "Banjo" na minamaneho ang nawawalang bisikleta. Agad inaresto ang suspek na residente rin sa barangay ng biktima.

Nang kapkapan, nakuha pa sa kanya ang isang patalim na nakasukbit sa kaniyang bewang.

Sa imbestigasyon ng Sampaloc Police, lumalabas na miyembro rin ang suspek ng "Bahala Na Gang".

Naibalik naman na sa biktima ang narekober na bisikleta.

Noong nakaraang linggo, isa ring kaso ng pagnanakaw ng bisikleta ang naireport sa Sampaloc Police kung saan naaresto rin ang suspek.

Marami ang nagbibisikleta ngayong community quarantine dahil sa limitasyon sa pampublikong transportasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.