PatrolPH

Ilang taga-Antipolo inireklamong di pa natatanggap ang 2nd tranche ng SAP

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 02:17 PM

MAYNILA - Nagrereklamo ang ilang residente ng Purok Imelda sa Barangay Dela Paz sa Antipolo dahil hindi pa nila umano natanggap ang ayuda sa pangalawang bugso pamamahagi ng social amelioration program (SAP) kahit pa kuwalipikado sila. 

Ang 95 anyos na si Lourdes Omnes, nagsumite ng kaniyang aplikasyon pero walang natanggap na SAP. 

Ang anak niyang si Ramon na isang person with disability at may sakit sa puso, hindi rin nabigyan. 

"Hindi namin maintindihan kung anong klaseng verification ang ginawa ng (Department of Social Welfare and Development),” ani Ramon. 

Mayo pa lamang nang simulan nilang asikasuhin ang mga papeles sa SAP; ang iba, nailagay sa waitlist. Mayroon namang nabigyan ng social amelioration card pero walang dumating na ayuda. 

Nagtaka ang ilang residente, gaya ni Rowena Labay. 

"Sabi ko bakit parang walang Purok Imelda? Doon pa lang magtataka ka na. ‘Pag may hawak kang form, sabi naibaba na raw ang budget sa DSWD,” ani Labay. 

May mga nagtungo sa barangay hall at sa city Social Welfare Development Office pero hindi rin nakuha ang ayuda. 

Kabilang sa mga nagtungo si Maritess Estranza, isang street vendor na hindi makakayod ngayon gawa ng pandemya. 

Paliwanag ng Antipolo City local government, hindi pa tapos ang pamamahagi ng ika-2 bugso ng SAP. 

"Ongoing po ang pamamahagi ng 2nd tranche ng ayuda sa partial o initial batch ng SAP beneficiaries sa pamamagitan ng PayMaya, ang financial service provider na napili ng DSWD sa Antipolo,” ani Antipolo LGU Spokesperson Relly Bernardo. 

Paliwanag pa ni Bernardo, hindi pa umano kumpleto ang listahan mula sa DSWD. 

“Partial o hindi pa po kumpleto ang listahan mula sa DSWD. Kaya kung mayroon po tayong mga kababayan na hindi pa nabibigyan, sana ay kasama po sila sa mga susunod na listahan mula sa DSWD,” ani Bernardo. 

Nalulungkot din ang LGU nang may malamang natanggal sa ika-2 bugso ng SAP. 

“Nakakalungkot po malaman na may mga tinanggal ang DSWD na dati ng nakatanggap sa 1st batch. Katulad po ng aming mga kababayan, kami po sa lokal na pamahalaan ay nagtatanong at nagtataka din dahil pare-pareho naman po tayong apektado ng pandemya,” ani Bernardo. 

Nagpa-follow up naman ang pamahalaan sa DSWD para maibigay na ang ayuda sa mga hindi pa nabibigyan ngunit qualified naman. 

"Kung mayroon man pong mga nagsasabi na sila ay qualified at pasado sa mga kundisyon ng DSWD ngunit hindi po nakakatanggap, katulong n’yo po kami sa paulit-ulit na mangungulit sa DSWD para ma-reconsider ang apela ng ating mga kababayan," ani Bernardo. 

Pinabulaanan din niyang may nangungurakot ng pera sa SAP. 

Umaasa naman ang mga residenteng mabibigyan ng pansin ang kanilang hinaing.

— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.